Translate

Sunday, August 11, 2013

May Pera sa Basura at sa Internet

Bilang isang padre de pamilya, gusto kong maibigay o matustusan ang lahat ng pangangailangan ng pamilya ko. Kung maari sana ay higit pa sa  mga basic needs ang maibigay ko sa kanila. Subalit sa ngayon ay hindi sapat ang aking kinikita upang maisakatuparan ang mga pangarap ko para sa aking pamilya.

Nasabi ko sa una kong post na isang sari-sari store at maliit na espasyong paupahan ang pinagkakakitaan ko. Hindi sapat ang kinikita ko upang tustusan ang lahat ng kailangan ng mga anak ko sa kanilang pag-aaral. Kinailangan ko pang mangutang sa "bumbay" upang maibigay ang ilang bagay na kailangan nila sa school.

Dahil sa "kakapusan" sa panustos ay sari-saring pamamaraan ang ginagawa ko upang madagdagan ang kinikita. Natuto akong mag-recycle. Totoong may pera sa basura. Sa tindahan namin ay iniipon ko ang mga tansan ng softdrinks. Naibebenta ko iyon ng P5 per kilo. Ang mga karton naman ay P2.50 per kilo. Mas maganda ang presyo ng karton ng mga fruit Juices tulad ng Zest-O. Naibebenta ko iyon ng piso isang piraso sa mga wholesaler ng itlog. Ang mga plastic caps ng malalaking softdrinks at plastic bottles ng mineral water ay naibebenta ko ng P12 kada kilo.   

Sa pagbabantay ng tindahan ay marami akong oras na libre dahil hindi naman palaging may bumibili. May panahon akong makapag-internet. Noong una, ginagamit ko ang aking laptop sa paglalaro lang ng Plants vs. Zombies, Chicken Invaders at sari-saring Tower Defense games. Kalaunan ay natuto akong mag-facebook at mag-surf sa internet.

Dahil natuto akong mag-internet at may konti  naman akong typing skill ay naglakas-loob akong mag-apply ng trabaho sa isang call center. Natanggap naman ako. Pero saglit lang ang stint ko sa call center. Six months lang. Kaya balik na naman sa pagbabantay ng sari-sari store. Ang stint ko sa call center ang nagbigay sa akin ng ideya na pwedeng kumita gamit ang internet kahit nasa bahay ka lang.


Ang call center na napasukan ko ay mayroon palang "Work from Home" program. Nag-apply ako at natanggap matapos kong pumasa sa ilang tests. Pero nang pinag-submit ako ng requirements sa office nila, nakita nila doon ang records ko bilang dating agent nila. Hindi pala ako dumaan sa "exit interview" na kailangang daanan ng lahat ng empleyadong nag-resign o natapos ang kontrata.  At mayroon pa pala akong back wages na matatanggap. Kailangan ko raw mag-pa-exit interview at kunin ang sweldo ko bago ako magsimula sa "Work from Home" program nila.

Three months inabot ang proseso ng exit interview hanggang sa pag-release ng huli kong sweldo. Wala nang vacant slot sa "Work from Home" program pagbalik ko sa office upang i-submit ang mga requirements para maging "special agent" nila. Sayang.

Naisip ko, kung ang napasukan kong call center ay may "Work from Home" program, maaaring may iba pang mga kumpanya ang nag-aalok ng ganoong klase ng oportunidad. At iyon na nga ang simula ng paghahanap ko ng iba pang pagkakakitaan sa internet.

Sa susunod kong post ay sasabihin ko ang mga nakita kong pagkakakitaan gamit ang internet.

Hanggang sa muli.



  



Friday, June 14, 2013

Pagpapakilala

Abner B. San Juan ang pangalan ko, isang padre de pamilya. Ang ikinabubuhay ng pamilya ko ay isang sari-sari store at pwestong paupahan na bahagi ng bahay namin. Hindi maalwan ang aming buhay subalit hindi rin naman masasabing naghihirap. Sakto lang, 'ika nga ng ibang tao.

Pero "sakto" nga ba? Ano ba ang ibig sabihin kapag sinabing sakto o eksakto?

Para sa akin kapag sinabing "sakto" ay dapat sapat ang kinikita upang tustusan ang mga pangangailangan. Uulitin ko ang tanong. "Sakto" nga ba?

Bilang kasagutan, masasabi kong hindi sakto o hindi sapat ang kinikita ko upang tustusan ang pangangailangan ng pamilya ko. Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa kung bakit ko ito nasabi.

Ang anak kong lalaki ay mahilig mag-drawing at masasabi kong mahusay siya pero sa tingin ko ay marami pa siyang dapat matutunan sa larangan ng pagguhit. Katatapos pa lang niya ng High School at gusto niyang kumuha ng kursong BS Animation. Natuwa ako dahil alam na ng anak ko kung ano ang gusto niya. Gusto niyang maging isang mahusay na animator.

Pinakuha ko siya ng entrance exam sa kaisa-isang school yata na nag-o-offer ng ganoong course. Pumasa naman siya. Tuwang-tuwa ang anak ko dahil maayos naman ang facilities ng nasabing school. Ang kaso nang magtanong ako kung magkano ang babayaran every semester... tumataginting na P70,000 per sem. (Trimester pa at 4 years ang course).Idagdag pa ang daily allowance niya para sa pamasahe at pagkain.

Hindi namin kaya. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang naramdaman ko bilang ama nang makita kong nanlumo ang kaisa-isa kong anak na lalaki. Naisip ko, kung malaki lang sana ang kinikita ko ay hindi malulungkot ang anak ko. At hindi lang naman siya ang anak kong pinapag-aral. Dalawa pa silang nag-aaral.

Kailangang harapin ng anak ko ang katotohanan. Sinubukan naming maghanap ng ibang school. Ganoon din ang presyo sa La Salle St. Benilde. Malayo pa sa amin. Napunta kami sa Malayan Colleges Laguna (MCL) sa Cabuyao, Laguna

2-year course lang ang kinuha niya.Digital Arts and Design. Ang mga subjects niya sa unang taon ay Photography at Video Production at sa 2nd year ng course ay may Animation. Okey. Swak pa rin sa hilig niya.

Eto naman ang panibagong challenge namin ng anak ko. Kailangang may kanya-kanyang DSLR Camera ang bawat estudyante, araw-araw dadalhin at kailangan na ito sa susunod nilang meeting which is on Monday na (Saturday ngayon). May kamahalan pala ang ganoong uri ng camera. Ang pinakamurang na-canvass ko ay P18,000. Kaya pala ayaw kaming pahiramin ng mga kakilala kong may DSLR kasi mahal pala iyon.

So, malinaw na hindi sakto ang kinikita ko para matustusan ang mga pangangilangan ng pamilya ko. Kung pagkain lang sana ang expenses ay kayang-kaya pero kailangan din ang edukasyon.

Ngayon, kaya naman ako naengganyong gumawa ng isang blog na tulad nito ay dahil sa isang taong nagngangalang Mr. Ed Pudol. Hindi sinasadyang nabasa ko ang kanyang blogs at humanga ako sa kanyang achievements sa pamamagitan ng Online Marketing. Nasabi niya sa isa niyang blog na kaya niyang kumita ng $300 sa loob ng 24 hours. Wow!

Gusto kong matutunan ang mga ginagawa niya kung paano kumita ng ganoon kalaki sa pamamagitan ng internet. Ayon kay Mr. Pudol, ang unang hakbang daw upang kumita sa internet ay ang gumawa ng isang blog.

Sa katunayan, ginawa ko ang blog na ito bilang pagsunod sa kanyang payo.

Samahan n'yo po sana ako sa tatahakin kong landas ng Online Marketing. Umaasa ako na, sa tulong ni Mr. Ed Pudol, ay maaabot ko rin ang naabot niyang financial freedom.

Hanggang sa muli.